Isang araw, dumating ang housemate ko sa bahay habang nakatambay ako sa dining area. May bitbit na bagong boylet, na nang lumaon, aking napag-alaman ay 23 years old. Pogi at straight-acting si boylet, na tatawagin nating CJ.
May katawan si CJ, di kataasan, pero matikas. Lalake kumilos at magsalita. Tahimik noong una, pero nang makausap ko siya habang naghahapunan, unti-unti na rin kaming nagkapalagayan ng loob. Naramdaman ko na mabait si CJ, at parang uhaw sa kausap na may sensibilidad. “Kuwento ka pa, Kuya,” ang lagi niyang inuulit. Alam niyang sa tagal ko na bilang isang well-adjusted na bading, marami akong maishe-share sa kanya. So ako naman, bilang isang mabuting housemate sa kanyang iniirog, kuwento naman.
Hanggang sa tuluyan na ngang nag-enjoy si CJ. Nag-ayang uminom. Naglabas ng inuming nakalalasing si housemate. Toma kung toma.
Nainggit ako nang bahagya dahil sa harapan ko, habang nag-iinuman kami, nagho-holding hands sina housemate at CJ. Ang cute nila. Parehong butch at straight-acting, pero ang sweet sa isa’t isa. Ang saya. Mas nanaig ang pagkagiliw ko sa kanilang dalawa. Bumabangka ako ng kuwento habang taimtim na nakikinig, at pagkaminsa’y nagtatanong si CJ. As usual, si housemate, listener lang at di masyadong sumasabat.
Dumating sa puntong medyo may tama na si CJ. Kuwento na rin siya ng kuwento. Napansin ko ang cellphone niya. Nagandahan ako sa casing, kulay dilaw. “Ang ganda naman ng cellphone mo, ang cool ng kulay,” sabay kuha sa kanya. Napansin ko ang litrato bilang wallpaper sa cellphone niya. Si CJ at isang babae.
“Sino ito?” tanong ko.
“Girlfriend ko,” mabilis niyang sagot.
“Girlfriend?”
“Oo, girlfriend. Pang cover.”
Natameme ako. Itinuloy niya ang sagot niya.
“Ganyan talaga, dapat may girlfriend. Para di ako mabuko.”
Di pa rin ako nakapagsalita.
Nalungkot ako ng husto, pakiramdam ko sinuntok ako sa dibdib ng dalawang beses.
“Na-sad naman ako,” sabi ko, sabay paalam. “Akyat na ako, may isusulat lang ako.”
“Huy, baka naman i-blog mo ako ha!” habol ni CJ.
“Oo, ibo-blog nga kita,” sagot ko, ayaw ko kasing magsinungaling.
“Sige, basta palitan mo lang pangalan ko.”
Natawa ako, pero tawang di nakaibsan ng naramdaman kong lungkot.
Naisip ko yung girlfriend. 19 years old lang. Hindi niya alam na ang boyfriend niya, may ibang lalake.
Bakla ako, oo, at naniniwala akong isa akong mabuting tao. Ayaw na ayaw kong manloko, at nalulungkot ako pag nakakakita ako ng mga taong nanloloko, o niloloko. Alam ko na takot lang si CJ. Pero nakakalungkot pa rin. Sana, ma-realize ni CJ na hindi niya kailangang gumamit ng cover. Na hindi niya kailangan manakit para maiwasang masaktan.
Grammar Police
5 years ago
No comments:
Post a Comment